Tula Tungkol sa Pangarap (10 Tula)

Sa pahinang ito ay mababasa mo ang sampung tula tungkol sa pangarap mula sa iba’t ibang mga makatang Pilipino.

Lahat tao ay may pangarap sa buhay. May gustong makapagtapos ng pag-aaral, yumaman at gumanda ang buhay, makapagpatayo ng sariling bahay, makabili ng sasakyan, at kung anu-ano pa na makatutulong upang umangat sa buhay ang isang indibidwal. Kayang-kaya mong abutin ang mga bagay na ito lalo na kung sasamahan mo ng panalangin, diskarte, sipag, at tyaga. Hindi man madali ang prosesong dadaanan para maabot ang mga pangarap mo ngunit kung hindi ka hihinto at magpapatuloy ka ay maaaring makuha mo ang minimithi mo sa takdang panahon.

Samantala, upang bigyan ka ng inspirasyon, kinalap namin at pinagsama-sama ang ilan sa mga tula tungkol sa pangarap na gawa ng iba’t ibang manunulat na may pangarap din sa buhay. Nawa’y makatulong sa iyo ang mga tulang ito upang lalo kang magpursigi na abutin ang mga pangarap mo.

SEE ALSO: Mga Tula Tungkol sa Pamilya

Mga Tula Tungkol sa Pangarap


Bata (Ang Imposibleng Pangarap)

ni Karl Gerald Saul

Nais kong lumipad tulad ng ibon sa kalawakan
Nais kong lumangoy gaya ng isda sa karagatan
Nais kong maging leong mabangis na katatakutan ng lahat
Nais kong maging serena na kumakanta habang lumalangoy sa dagat

Nais kong maging musikero na tumutugtog na mga instrumento
Nais kong maging sikat na singer na hawak hawak ang mikropono
Pagkat ako’y isang hamak na bata lamang na nangangarap ng imposible
Lahat ng iya’y imposible kong makamit – imposibleng magawa

Sinong tutulong sa’kin?
Sinong gagaba’y sa’kin?
Wala, wala talaga, kung meron sino kaya?
Sa pangarap ko lang talaga ito magagawa


Isang Pangarap

ni TheFrustratedWriter

Isang pangarap ang nais kong makamit
Kahit ang pag-asang maabot ay kay liit
Sa mga kislap ng tala ako ay nakatingin
Hinihiling na sana ang pangarap ko ay dinggin.

Parang gabing madilim ang paligid ko
Na nabubulag sa paghihirap at daing ng tao
Kaya ang tanging pangarap ko
Maging doktor upang hilumin ang kirot sa mundo.

Mali bang mangarap ang musmos na gaya ko
At nagsisikap maabot ang mithiin ko
Na ang layunin ay makaatulong sa kapwa
Lalung-lalo na sa aking pamilya.

Isang pangarap na may mukha ang ligaya
Tamis ng ginhawa at mga taong masaya
Sa pamamagitan ng hiling kong ito
Nawa’y matupad ang pangarap ko.


Patungo sa Tuktok

ni KLi

Kayraming lubak, alon ay malakas
Tatagaan ang loob, sa daa’y maraming ahas
Maraming kasama ngnit ikaw ay mag-isa
Pagtaas ng tubig sa sapa, sa’yo ay walang kakarga

Natural lang ang umiyak at magpapadayak
Pag-abot sa tuktok ay hindi basta at payak
Minsan pa nga sa’yo ay maraming tatapak
Pero ang payo ko sa’yo, sumayaw at pumalakpak

Hindi ka baliw sa iyong gagawin
Ipakita ang galing at taas ng mithiin
Daan naman talaga minsa’y mahirap tahiin
Ngunit kapag umayaw, ika’y palpak na tatawagin

Matapos ang hirap, asahan mo ang sarap
Damhin ang lasap ng natupad na pangarap
Bawat pawis at dugo, kapalit ay karanasan at kamalayan
Na sa iyo ngayon ay magsisilbing kayamanan


Lumipad at Mangarap

mula sa poemslifelove

Daan tungo sa tagumpay ay lubhang matarik
At marami ang sa iyo ay pilit na hahatak
Huwag mawalan ng pag-asa, huwag iiyak
Mahal mo sa buhay pataas ika’y itutulak

Linangin mo ang taglay na kakayanan
Gaya ng mamahaling bato at hiyas
Na kailangang kiskisin para kuminang
Di magtatagal at ikaw ay papaitaas

Huwag sumuko, huwag itigil ang laban
Tagumpay ay halos abot mo na
Pumailanglang, panatilihin ang Lipad

Sabi nga nila tiyaga ang kailangan
Haluhan mo ng sipag at dalangin
Mga pagdududa ay dapat lupigin
Makakamit ang magandang hangarin

May mga panahong walang kasing hirap
Pero sino ang nagsabing ang buhay ay madali?
Pintuan ay bukas, maging maagap
Dahil sa kabila nito’y kaligayahang di malilip

Huwag sumuko, huwag itigil ang laban
Tagumpay ay halos abot mo na
Pumailanglang, panatilihin ang Lipad

Kapag ang iyong mga pangarap ay napakasamay na
Huwag kailanman kalimutang lumingon
Ikaw naman ang sa iba ay luminga
Tulangan mo ang iba sa kanilang pagbangon

Ngayon na nasa rurok ka na ng tagumpay
Kayakap ang pantasyang iyong pinangarap
Manatili ka sanang sa lupa nakatapak


Simpleng Pangarap

ni Richelle M.

Mayroon akong gustong puntahan
Sa wari ko’y dapat kong kalagyan
Isang lugar makikita kung saan
Munting pangarap simula pa man

Isang pagkakaton marahil sa iba
Sadyang simple at walang halaga
Ngunit may mga taong tumitingila
Bagong bayani ang bansag nila

Isang marangal at puno ng puso
May layuning tunay at totoo
Upang makatulong makabuo
Di lang ng pangarap ko pati sa iyo

Linagin ang isipan ng musmos
Paunlarin kaalaman lubos
Itatak ang mga mabuting utos
Upang ang katauhan mapuspos

Hindi ba kay gandang isipin
Nabuhay kang loob ay butihin
Mawala ka man dito sa mundo
Turo mo’y maiiwan sa mga ito


Ang Pangarap Kong Medalyon

ni Theresa Baniquid

Di ba’t kailan lang ako’y humahabi
Ng munting pangarap do’n sa isang tabi
Makaakyat ng entablado, bulong sa sarili
Pangarap na medalyon, lagi ng minimithi.

Di niyo ba alam ang hirap na tiniis
Pa’no ko nalampasan mga projects at quizzes
Tambak na assignments, at maya’t mayang practice
Dula sa Filipino, stage play sa English.

Nandyan din ang sayaw at art sa Mapeh
Exciting na debate at reporting sa A.P
Problem solving sa Math, Algebra at Geometry
May project making pa pagdating sa T.L.E.

Di rin malilimutan eksperimento sa Agham
Scientific method, hypothesis, aming sinundan
Sa Values education kami ay tinuruan
Disipilina’y itinatak sa puso at isipan.

Hindi rin biro ang pumasok sa klase
Na ang inalmusal ay malamig na kape
Tastas na ang unipormeng laylaya’y may sulsi
Nakangangang sapatos may tapal na rugby.

Tiniis ko ang tawag ng lakwatsa at bulakbol
Binuhos ang oras sa loob ng school
Sa dami ng dealine, laging naghahabol
Panahon ko’y sa pag-aaral lang ginugol.

Tanging sandata’y pananalig at determinasyon
Inspirasyon sa pamilya, ang lagi kong baon
Darating ang araw sila ay aking iaahon
Biyayang dulot at pamana ng edukasyon.

Yaong sakripisyo’y di ko pinagngitngit
Pagod, luha, sanlibo mang tinik
Gagawin ang lahat para sa pamilyang iniibig
Pangarap na medalyon akin nang makakamit!

Ngayon,ako’y nasa inyo ng harapan
Naakyat na ang entablado’t pinapalakpakan ng tanan
Maraming salamat sa mga guro ko at magulang
Sa inyong pagtitiyaga, disiplina, at karunungan.


Pangarap

ni Diane Medina

Nagsimula sa aking munting imahinasyon,
Inaasam na sana’y maging ganoon;
Twina’y idinadalangin ko sa panginoon,
Nawa’y tulungan niyang makamtang mabilis iyon.

Ako sa twina ay isang sisiw na munti,
Walang kakayahan mahina ang binti;
Ang aking lakas ay nakakulong parati,
Mga hinaing di makawala sa labi.

Nang una kong marinig ang salitang iyon,
Ako ay nagalak puso ko ay biglang talon,
Pagkat kanilang sambit libre raw ang ganon,
Kaya’t sa pag-asa ako pala ay mayroon.

Pangarap! pangarap ang salita’y matamis,
Ang aking lakas ay kumawalang mabilis,
Nais takbuhin yaong landasing matuwid,
Upang ang tagumpay ay tuluyan kong makamit.

Nawa’y sa landasin ay wala ng humadlang,
Walang maging balakid sa aking daraanan;
Kung may tututol ay aking ipaglalaban,
Makamit lamang inaasam kong PANGARAP!


Ang Aking Pangarap

ni Diane Medina

Sa aking pag-iisa sa lupaing madilim,
Puno ng takot ang aking damdamin.
Ang aking hiling ay hindi marinig,
Pangarap ng sarili abutin ang bituin

Tumula’t kumatha ibig ng puso kong may sumpa
Mangarap lumipad sumabog at mawala
Kay sakit marinig ng hikbi at pagluha
Ng damdamin kong ang buhay ay tula.

Pangarap kong sa kalawakan lumipad
Hawak ng matibay ang papel at panulat
Tunay ang aking damdami’y hindi masusukat
Sapagkat ang tula’y nag-iisang pangarap.


Isang Milyang Pangarap

ni Marvin Ric Mendoza

Nag-ugat at sumibol dito sa aking isip
ang isang kumikinang na ginintuang panaginip
bagaman ang aking mga mata’y hindi naman nakapikit
kung kaya aking natatanaw ang kaylawak na langit.
At naroon sa itaas ang bituing maririkit
na parang pangarap at gunitang hindi mawawaglit.
Ang puso ko’y tumimo’t ang bibig ko’y may naisambit,
“Ang ngayon nga ay mawawala at bukas ang papalit.”

Gusto ko ngang makapagpatayo ng sariling bahay.
Nais kong makaahon sa napakahirap kong buhay.
Sana’y sa halip na bato’y ginto ang aking mahukay
at sana ri’y aking maani ang bunga ng tagumpay
upang kung saka-sakali mang ako ay mamamatay,
ang lahat ng aking pinangarap ay akin nang taglay.
Ang aking mga pangarap ay maari kong mahintay
ngunit makakamit din lang sa galaw ng aking kamay.

Kasaganaan,tagumpay at yama’y aking ambisyon,
maging tagapagtanggol at huwaran ng ating nasyon.
Ang lahat ng pangarap ko’y saan kaya paroroon
kung wala akong tagagabay at walang Panginoon.
Sa buhay ng aking kapwa’y buhay ko ang itutugon.
Mula sa pagkakadapa,ang bayan ko ay babangon
upang sa isang milyang pangarap naman ay lilingon
at upang ang sarili,huwag mabaon sa kahapon.

Sa paggising ni araw sa luklukan ng Silangan
ay simula rin ng paglalakbay na walang pagtahan
at tulad din ng aking pangarap na walang hangganan,
ang matatag na puso ay higit ko pang kailangan:
ngunit ang sarili’y kailangan ding pakaingatan
nang ang paghihirap at pagsisikap ay ‘di masayang
upang kung si araw ma’y makarating na sa Kanluran,
tayo’y nakarating na rin sa ating patutunguhan…


Ang Pangarap Mong Tangan

ni Francis Morilao

Pangarap mong tangan tangan,
Isa-puso’t huwag kalimutan;
Tulang ito’y maging kalakasan,
Diyos nawa’y ikaw’y gabayan.

Ano nga ba ang halaga ng inaasam mong tala?
Kung natapakan mo naman ang nagturo, ang naggiya.

Sa rurok ng tagumpay,
Parang walang papantay;
Tila walang kamalay-malay,
Sa kinabukasang naghihintay.

Mapalad silang payak kung mangarap,
Simpleng buhay kaunting sarap;
Sama-samang kumakain sa masiglang hapag,
Magkayakap kung matulog, siksikan sa lapag.

Hindi masama na tayo’y mangarap,
Kung sasamahan yaring pagsisikap;
Kaginhawaan pagkatapos ng hirap,
Walang kasing tamis walang kasing sarap.

Sa kahuli-hulihan’y maging inspirasyon ka,
Ipakitang may pangarap kung wala ang iba;
Magugulat ka sa iyong makikita,
Ningning ng iyong tala sa kanila’y pagpapala.


Post a Comment

0 Comments